Nasaktan ang Sinaing

Pakende-kendeng at pakanta-kanta si  Mothership sa bakuran niya habang ini-sprayan ang mga orchids na galing raw sa ibang bansa. Lumalaki-lumiliit ang mabuhok na butas ng ilong niya sa pagsinghot ng amoy ng orchid na galing din naman sa bote ng spray na hinaluan niya lang ng Sekreto Ni Biktoriya.

Sa di kalayuan, makikitang kumakaripas ng takbo ang isang babaeng naka-apron pa, may hawak na walis ting-ting. Papunta siya kay Mothership.

“Mader! Ma-ma! Mudra!” mahina ngunit sabik na sabik na wika ng babaeng patalon-talon pa sa may gate ng bahay ni Mothership.

“Bakit, Inday?” tanong ni Mothership  habang unti-unting nagwa-warm up ang kanina pang pumapalakpak niyang tenga, halatang nagi-scan sa buong village ng masasagap na sariwang ibro-broadcast.

“Ma-ma. May dumating na bagong boarder! John Green ang pangalan,” kwento ng sabik na sabik na katulong ng kapit bahay habang isa-isang pinuputol-putol at pinaglalaruan sa palad ang hawak na ting-ting.

“Ah. Si John Green ba kamo? E kilala ko na ‘yan. Lakas pa yata ng radar ng lola mo.” Pagmamayabang ng reyna na bumalik mula sa pagkaluwa ang mga mata dahil  hindi bago ang ibinalita sa kaniya.

Nagtataka ang dakilang Heiress to the Throne ni Mothership. “Paano naman yan nangyari, hah? Mader? Sige nga. Enlighten me!

“Iyang John Green na ‘yan. Dumating kanina, diba?” Napatango ang nagtataka pa ring katulong at abot hairline ni Boy Abunda ang taas ng kilay.

Isang malalim na paghinga ang sagot ng Mothership sa sunud-sunuran sa yapak niya, tila nag-warm up para sa paspasang ragasaan ng kung anu-anong balitang nasagap ng invisible na karag-karag na radar sa ibabaw ng mahabang pulang buhok ng reyna.

“Isa siyang online researcher-slash-writer sa isang magazine. Business magazine for executive and business-minded people. Minsan, nagsusulat din siya ng mga horror stories para sa mga high school at taga-bilang ng gobyerno ng sirang poste sa kahabaan ng Marcos highway na gustong takutin ang mga sarili. Sa Quezon City galing. Nag-aaral ngayon. Masteral na ata. Philippine Studies. Siya yung tipong nagsa-sideline sa pagsusulat ng kung anu-ano tungkol sa business management, pedagogy, religion, gender, sex, equality, climate change, logistics, total quality management. Pati ata cook books. Isali mo na rin ang finance. Kung kaya pa, gumagawa ng statistical analysis at sumasagot ng mga problem set sa math, pisiks at kemisthree. “

“Art Studies lang naman ang undergrad niya. UP. Ulilang lubos daw. Kasi iyong nanay nagka-tumor sa baga at patay na habang iyong tatay na naputulan ng isang paa nang aksidente raw na mabangga habang nagmamaneho ng ten-wheeler sa isang poste dahil sa sobrang kalasingan, ha’yun may iba nang pamilya. Akalain mo ‘yun? Makapagdyug pa pala ang lumpo!”

Tumawa nang malakas ang matanda at napangiti na lang ang katulong.

“Wala siyang kapatid. Ateista. Aktibista. A, dating aktibista. Hindi na pala siya sumasama ngayon sa rally. Napagalitan daw ng tatay na kasapi pala ng Alive-Alive-Forevermore.”

Matapos nito, mapapansing ubos na ang ting-ting ng Heiress. Pumikit nang mariin at napa-buntong hininga na lamang siya habang si Mothership, pangisi-ngising nilalaro ang bote ng tubig at pormula ng Sekreto. Marahil iyon ang bitamina niya upang makahalungkat ng kung anu-anong bagay tungkol sa isang tao.

“Oo nga po. Kilala niyo.” Mahahalata ang pamumula at pagkapahiya sa mukha ng katulong.

Pero, hindi pa pala tapos si Mothership. “Alam mo bang, inistok ko rin siya sa Fb, Twitter at Instagram!”

“Meron kayo no’n. Oy, pa-like naman po yung fropayl pik ko.” Segue ng babae.

“E, mamaya na, ito na nga kasi. Ang interesting kasi doon may nakita akong confessions tungkol sa kaniya at ng isang babae. Tumagal lang ata sila ng… ilan ba ‘yon? Apat atang taon.”

“Oh?”

“Oo, paano ba naman kasi. Nakipagbreak siya! Mukha pa namang maganda yong babae. Sayang!”

“Hah? Bakit? So, ano nang nangyari Ma-ma?” hindi na makapaghintay ang babae sa ibubulgar ng matanda.

“Bakla pala ‘yan kaya sila nag-break!”

Halos mag-pop out ang mata ng katulong sa sinabi ni Mothership! “Paano mo naman nasa….”

Biglang may sumingit sa usapan.

“Hello po! Bago lang po ako rito. Pwede po magtanong? Saan po pinakamalapit na sari-sari store dito?”

Napatigil ang dalawa. Ngumisi. “Diyan lang sa may kabilang kanto. Diretso tapos kaliwa,” sagot ng katulong.

“Ah sige po. Salamat!”

Nagkatinginan ang dalawa. “Siya si John!” sabi ni Mothership. “Tignan mo yang pilantik!”

Napakamot sa ulo si Heiress nang sulyapan si John. “O’sige Ma-ma. Mamalantsa pa ako!”

Paalis na si heiress pero…“Baliw din ata yan! Ingat ka! Pinakasalanan niya yung mga bituin noong nag-break sila ng girlfriend niya! Gumawa pa nga ng libro, Default in hour stars. Ang ipinagtataka ko lang sa kanta tungkol doon, ‘Ay ken si da stars pram Amerika!’ Diba? Marahil iyong stars ang nasa Amerika,” pahabol ng matanda sabay bitaw sa mala-demonyong ngisi.

Parang lumba-lumbang naglakad papasok ng bahay ang ating Mothership, matapos paalalahanan ang ating Heiress na ‘wag ipagkalat kung kanino nanggaling ang tsismis. Pero ingat siya…

“Ano ‘yong amoy sunog?! Halla! IYONG SINAING!!!!!!”

Mabilis manapak ang karma.•

 

According to my journal, I wrote this several years ago. Thus, I do not claim that this  is 100% my own story. I might have gotten some details from other people or stories. I just honestly can’t remember.

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s