Kailan ba Siya Matatawag na Lalaki?

Sa ilalim ng mainit at tirik na tirik na araw, makikita si Totoy, nakaupo sa nakausling ugat sa ilalim ng puno.  Kaniyang matamang pinagmamasdan at kinakalikut ang bagong-bili niyang pink na diary, na pinag-ipunan pa niya mula pasukan. Nawili kasi siya rito dahil halos lahat ng mga kaibigan niya ay mayroon na nito.

Sa di kalayuan, nakatambay ang isang grupo ng magkakaibigang nakatitig sa kaniya at nagtatawanan. Pinagtatawanan si Totoy dahil naglalaro ng manika at puro babae ang kaibigan, at kinukutya dahil malambot at umiiyak. Ipinipilit siyang isiksik at itulak ng lipunan tungo sa isang daan na nararapat daw niyang tahakin.

Idinidikdik ng lahat ng karanasan niya sa kaniyang inosenteng kalooban ang mga nararapat daw niyang taglayin. Dapat raw siyang maging agresibo, maging ‘di emosyonal, maging dominante, at maging seksuwal upang mapagtagumpayan niya ang huwad na digmaan ng pagkaka-kilanlan at tadhanang naitala mula pa noong siya’y nasa bahay-bata.

Hindi lamang mga babae ang napahaharap sa sexism. Nagpapakahirap ring paglabanan ng mga lalaki ang epekto ng sexism sa pananaw ng lipunan sa sangkalalakihan. Yamang napakarami nang mga pag-aaral ngayon na nagbibigay-pansin sa katayuan at suliranin ng mga kababaihan. Inaakala kong hindi ganap ang magiging pang-unawa ng lipunan sa usaping pang-kasarian kung hindi bibigyan ng pantay na pansin ang mga kalalakihan.

Nasaksihan ko mismo kung paanong nagbubulag-bulagan ang lipunan habang maliwanag na tinititigan ang mga sitwasyong nagkukulong sa mga lalaki sa ‘nararapat’ nilang kabilangan. Kung saan, ang ‘nararapat’ na idiniriin ay pawang huwad at ‘di-makatarungan kung titignan sa perspektibang ginagamit ng mismong lipunan upang itampok ang pagkakapantay-pantay para sa mga kababaihan.

Paulit-ulit na nitong sinasabi na dapat matapang, tigasin, at agresibo ang isang lalaki, dapat magaling sa isports, dapat may substance (ang anim na pakete ng abs na nagdudulot ng tsunami ng laway), at dapat hindi ipinakikita ang emosyon upang mapanatili ang kapangyarihan. Sa lente ng lipunan, biro lang ang lalaking nasasaktan ng isang babae. At, isinusuka ang sinumang kumikilos nang kabaligtaran! Sinumang gumalaw taliwas sa mga pader na itinayo ng mga konseptong ito sa kaisipan ng sangkatauhan ay mga bastardo ng lipunan. Itinakwil sila sa pagiging kakaiba.

Katanggap-tanggap ang babaeng umiiyak ngunit kung lalaki ang umiiyak ay kinukutya at kinakabitan ng kung anu-anong leybel. Nasapawan ng konsepto ng Prince Charming sa mga pelikula ni Cinderella at ni Aurora ang kaisipan ng tao. Kinalimutan nang hindi sinasadya na sa ilalim ng bawat kalasag ay isang lalaking may kahinaan, may takot, may pagkakamali. Sa ilalim ng bawat bakal laban sa apoy ng dragon, ay isang lalaking hindi perpekto.

Hindi ito isyu ukol sa pagiging dominante at pagpapababa sa kababaihan bagkus ay pagbibigay ng pantay na atensyon sa usaping pang-kasarian.

Sana alam ito noon ni Totoy. Sana alam niya. Sana. Hindi nakadepende ang halaga ng  isang lalaki, sa pagtupad niya man o hindi sa inilapat ng lipunan na tadhana sa kaniya. Dahil hindi maabot nang perpekto ang padron ng lipunan, hindi ibig sabihin ay nabawasan ang pagkalalaki.

Ikaila man ng mundo ang silbi ng pagiging kakaiba, magpasiya para sa sarili kahit pa maiwan sa agos ng kalakaran. Isipin mo nalang lagi si Totoy.

Ikaw? Handa ka bang maging bastardo ng lipunan?•

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s